Tahasang inaakusahan ni Albay Rep. Edcel Lagman ang minorya sa Kamara na nagpapanggap lamang na oposisyon.
Ayon kay Lagman, isang maliit na grupo mula sa mga kaalyado sa mayorya ang nagbabalatkayo bilang mga myembro ng minority bloc.
Iginiit ng independent opposition congressman na ang “handpicking” o pagpili ng mayorya ng minority leader ay nagsimula noong 17th Congress na ginagawa pa rin hanggang ngayong 18th Congress.
Dagdag pa ni Lagman, ang mga may hinanakit na myembro naman ng mayorya na kaalyado ng napatalsik na Speaker na si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ay hindi rin magpapalakas sa authentic minority.
Ang mga ito aniya ay nasaktan lamang ang ego, at wala namang matibay na ideology, conviction at commitment na maging totoong oposisyon sa Kamara.
Patutsada pa ni Lagman, makabubuting sumama na lamang ang mga ito sa “anointed” minority dahil galing din ang mga ito sa iisang partisan na grupo.
Matatandaang sunod-sunod ang mga spekulasyon na aanib na sa minorya si Cayetano at mga kaalyado nito na nauna namang itinanggi ng Nacionalista Party sa Mababang Kapulungan.