Minority leader ng Senado, hinamon ang US, Japan at mga bansa sa Western Europe na tulungan ang Pilipinas sa epekto ng El Niño

Hinamon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Estados Unidos, Japan at mga bansa sa Kanlurang Europa na maliban sa military support ay tulungan na rin ang Pilipinas sa pagtugon sa krisis na dulot ng El Niño.

Ayon kay Pimentel, panahon na para ipakita ng mga nabanggit na bansa ang kanilang sinseridad sa pagtulong para sa ating kapakanan.

Sinabi ni Pimentel na para maalis ang paniniwala na ang engagement sa pagitan ng mga bansa sa Pilipinas ay purong militar lamang, mahalaga aniyang maipakita sa buong mundo lalo na sa mga kritiko na tunay silang nagaalala sa mga Pilipino.


Sa halip aniya na pumunta sa military bases, magbigay ng missiles, submarines at mga barko, hinikayat ni Pimentel ang mga kaalyadong bansa na puntahan ang mga lugar na lubhang apektado ng tagtuyot at magbigay ang mga ito ng tulong.

Batid naman ng senador na ang mga tensyon sa West Philippine Sea ay seryosong banta sa ating seguridad subalit ang tunay na laban aniya na matinding kinakaharap ngayon ng mga Pilipino ay ang El Niño at napakahalaga rin na matiyak na makakabangon ang mga mamamayan mula sa pinsala ng El Niño.

Facebook Comments