Minorya, patuloy na makikipagtulungan kay Senator Ping Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee

Tiniyak ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na sa ngalan ng kooperasyon at transparency ay patuloy na makikipagtulungan ang minorya kay Senate President pro-tempore Ping Lacson sa pagbabalik nito bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Cayetano, iginagalang nila kung ano man ang maging desisyon ng mayorya at patuloy silang magtatrabaho sa ilalim ng pamunuan ni Lacson sa BRC.

Ipinunto ng senador na ngayon ang mahalaga ay magkasundo ang mga mambabatas sa isang malinaw na direksyon at patas na pagtatakda ng mga rule at hindi na dapat usapin kung sino man ang magiging chairman ng komite.

Binigyang-diin pa ni Cayetano na ang kapangyarihan ng BRC ay nakasalalay sa integridad at dapat na gamitin ang mga pagdinig ng komite para malantad ang mga mastermind sa likod ng katiwalian at isulong ang tunay at sistematikong reporma sa mga ahensyang nasasangkot sa korapsyon.

Iginiit ni Cayetano na obligasyon ng mga senador sa mga Pilipino na ibalik ang tiwala sa institusyon kaya dapat na isantabi ang politika at magkaisa para sa katotohanan at accountability ng mga sangkot sa maanomalyang ghost at substandard flood control projects.

Facebook Comments