Manila, Philippines – Hiniling sa Korte Suprema ng minorya sa Kamara na ideklarang iligal ang martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Base sa petisyong inihain nina Albay Rep. Edcel Lagman at anim na iba pang kongresista, gusto ng mga ito na baligtarin ng korte ang proclamation 216 ng Pangulo dahil wala naman itong factual basis.
Wala anilang rebelyon o invasion sa Marawi o sa buong Mindanao para magdeklara ng batas militar at suspendihin ang privilege of the writ of habeas corpus.
Nakasaad din sa petisyon na inamin ng militar na ang giyera sa Marawi ngayon ay dahil sa military operation na naglalayong hulihin si ASG Leader Isnilon Hapilon na nauwi naman sa bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute Terror Group.
Sinabi pa ng mga petitioner na ang deklarasyon ng batas militar at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus ay kagustuhan lamang ni Pangulong Duterte at hindi inirekomenda ng mga military at security officials na inamin anila sa Kamara ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Kabilang din sa mga nagpetition sina representatives Tomasito Villarin, Gary Alejano, Emmanuel Billones, Teddy Brawner Baguilat, Jr. at Edgar Erice.
DZXL558