Manila, Philippines – Pinagdadahan-dahan ni House Minority Leader Danilo Suarez si Senator Panfilo Lacson sa mga pahayag nito laban sa mga kongresista kaugnay sa 2019 national budget.
Ito ay matapos akusahan ni Lacson na nagpasok ang liderato ng Kamara sa budget ng overpriced na P295 million na halaga ng ambulansya at nabigyan ng P25 million ang mga kongresistang bumoto pabor sa speakership ni Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo habang P8 million naman sa mga hindi sumusuporta sa speaker.
Giit ni Suarez, nagkamali si Senator Lacson sa kanyang mga pahayag pero mahirap na itong bawiin dahil lumabas na ang balita sa media at ito na ang pinaniwalaan ng publiko.
Sinabi pa ng minority leader na nagawa na ang “damage” at nakasakit na sa buong institusyon si Lacson.
Nababahala si Suarez na wala nang oras para patagalin pa ang pag-apruba sa P3.7 trillion national budget lalo pa at maraming proyekto ang nabibinbin sa pagkakaantala ng pagpirma dito ng Pangulo.
Umaasa naman ang kongresista na hindi totoo ang akusasyon ni COOP-NATCCO Partylist Representative Anthony Bravo na may political vendetta si Lacson kay Arroyo kaya naiipit ang pag-apruba sa pambansang pondo.