Tiniyak ni Minority Leader Joseph Stephen Paduano na masusunod ng Kamara ang tamang proseso sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Bunsod nito ay sa May 27 o sa Huwebes na ang unang pagsalang ng impeachment complaint laban kay Leonen sa Committee on Justice.
Ayon kay Paduano, mismong ang mga miyembro ng minorya ang sisiguro na may ‘proper procedure’ na susundin para sa pagtalakay at pagpataw ng desisyon sa reklamo ng pagpapatalsik kay Leonen.
Sakali namang pagbotohan na ang form at substance ng reklamo, siniguro naman ni Paduano na paiiralin ng mga miyembro ng minorya ang conscience vote sa impeachment case.
Mababatid naman na nauna ring tiniyak ni Speaker Lord Allan Velasco na magiging patas ang Kamara sa pagdinig sa impeachment case laban kay Leonen.
Inirereklamo si Leonen ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa hindi umano paghahain ng Statement of Asset Liabilities and Net Worth o SALN at delayed na pagresolba nito ng mga kaso na kaniyang hinahawakan.