Dismayado si Senate Minority Leader Koko Pimentel na ibinalik ng bicameral conference committee ang confidential at intelligence fund (CIF) ng Department of Education (DepEd).
Ibinalik kasi ng bicam sa P150 million ang CIF ng ahensya mula sa P30 million na inaprubahang bersyon ng Senado.
Sa ngayon ay kukuha pa lang si Pimentel ng detalye tungkol sa inaprubahan kanina na bicam report.
Matatandaang sa ipinasang budget version ng mataas na kapulungan ay binawasan ng P120 million ang P150 million na CIF ng DepEd at ito ay inilipat sa healthy learning institution program ng ahensya na unang iminungkahi naman ni Senator Risa Hontiveros.
Batay naman sa paliwanag kanina ni Appropriations Committee Chairman Cong. Zaldy Co, napagkasunduan na ibalik ang buong budget ng CIF ng DepEd upang matigil na ang pagre-recruit sa mga kabataan sa mga delikadong grupo.
Tinututulan ng oposisyon sa Senado ang CIF sa DepEd dahil sa paniniwalang ang ‘intelligence gathering’ ay mandato at trabaho ng mga intel agencies.