Minorya sa Senado, haharangin ang isinusulong na MIF Bill

Tiniyak ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na haharangin ng oposisyon sa Senado ang isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Pimentel na patuloy nilang tututulan ang kontrobersyal na panukala kahit pa klaruhin ito ng mga proponent dahil malinaw naman na walang surplus o sobrang pondo, wala ring tuklas na bagong yaman at walang bagong source ng pondo na siyang mga pangunahing dahilan kaya nagtatatag ng sovereign wealth fund ang isang bansa.

Naniniwala pa si Pimentel na malaki ang depekto sa MIF Bill dahil hindi nga ito mapangatwiranan nang tama ng mga nagsusulong nito dagdag pa ang maraming isinisingit na hindi naman nakasulat nang ihain ang panukala.


Puro rin aniya teorya ang pinagbabatayan sa Maharlika Fund na hindi sigurado dahil posibleng kumita at posible ring malugi ang bansa gaya na lamang ng nangyari sa Norwegian sovereign wealth fund.

Ibinabala pa ng senador ang lalo pang paglaki ng P14 trillion na utang ng bansa dahil sa pagbibigay kapangyarihan sa Maharlika Investment Corporation (MIC) na mangutang para sa papaikuting pondo pero sa huli, ang tiyak naman na sasalo rito ay ang taumbayan.

Dagdag pa ni Pimentel, ang MIF Bill ay hindi madedepensahan kung hindi rin talaga katanggol-tanggol at hindi rin mapangangatwiranan kung talagang wala sa katwiran.

Ilan lamang sa mga naging kwestyon kahapon sa unang pagdinig ng sovereign wealth fund ay ang ‘return of investment’ ng mga investor, komposisyon ng korporasyon, paglilibre dito sa lahat ng uri ng buwis, paghuhugutan ng pondo at kung saan ilalaan ang kikitain dito.

Facebook Comments