Hinamon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Malakanyang na magpatawag ng referendum para sa nalalapit na pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Dito aniya malalaman kung suportado talaga ng mayorya ng mga Pilipino ang paglikha ng sovereign wealth fund.
Sa pag-analisa ni Pimentel, sa halip na makabuti ay makakasama ang paglikha ng MIF sa ekonomiya, sa bansa, sa taumbayan at sa hinaharap ng bansa.
Iginiit ni Pimentel na ang pera ng taumbayan ay isasapalaran sa hindi pa klarong investments samantalang maayos namang nagagamit at kumikita ang mga pondong pinagdiskitahang gamitin dito.
Babala ng senador, mayroong panganib dito dahil may history ng korapsyon ang bansa at batay sa latag ng MIF ay patatakbuhin ito ng ilang mga tao na dagdag pa sa mag-i-invest at tatanggap ito ng sosyo ng private sector na maaaring magbunga ng cronyism o favoritism.
Dagdag pa ni Pimentel, maaari pa itong kwestyunin sa Korte Suprema dahil sinertipikahan ito ng pangulo na urgent measure gayong walang public calamity o emergency.