
Hindi lalagda ang mga senador ng minorya na miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee (BRC) sa partial committee report ng inimbestigahang maanomalyang flood control projects.
Ito ay kahit pa binago na ang lenggwahe na ginamit sa partial committee report at hindi na “to be charged” ang salitang ginamit para sa mga senador na nasasangkot sa isyu.
Ayon kay Senator Robinhood Padilla, hindi sila pipirma sa BRC committee report dahil mayroon naman silang “minority report” sa naturang pagdinig ng flood control anomalies at doon sila lalagda.
Sinabi ni Padilla na kailangan solid sila sa minority at kung ano ang sasabihin ng kanilang minority floor leader na si Senator Alan Peter Cayetano ay kanilang susundin.
Matatandaang naunang inilabas ng minorya sa pangunguna nina Senator Rodante Marcoleta at Senator Imee Marcos ang kanilang “minority report” para sa flood control anomaly investigation na tinawag naman ni Senate President Tito Sotto III na isa lang PR o media report dahil wala pa namang report mula sa BRC.










