Minorya sa Senado, ibinalik ang sisi sa mayorya kaugnay sa naging kalituhan sa magkaibang probisyon ng MIF bill

Ibinalik ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mayorya ng Senado ang responsibilidad sa naging problema sa magkasalungat na probisyon hinggil sa pagsasampa ng kaso para sa mga lalabag at mang-aabuso sa Maharlika Investment Fund Bill.

Sa final copy ng MIF bill na nilagdaan ni Senate President Juan Miguel Zubiri, pinagsama ang dalawang seksyon, ang Sections 50 at 51 para maging iisang probisyon kung saan sampung taon ang piniling prescriptive period na siya ring inaprubahan noon sa floor.

Magkagayunman, sinasabi ng ilang sources ng Senado na si Senator Risa Hontiveros ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng doble at magkakasalungat na probisyon sa panukala matapos nitong magpasok ng amyenda sa prescription period para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga lalabag sa Maharlika fund.


Pero giit dito ni Pimentel, kontrolado ng sponsor ng MIF bill ang mga ipapasok o tatanggapin na amyenda sa panukala.

Aniya, oras na tanggapin ng sponsor ang proposed amendment, ito ay nagiging amendment na rin ng mismong sponsor.

Ang tumayong sponsor ng Maharlika bill ay si Senator Mark Villar na may-akda rin ng panukala.

Ipinunto pa ni Pimentel na ang sponsor ng bill ay kabilang sa mayorya habang ang Senate President ang siyang kumokontrol sa Senate Secretariat at sa buong organisasyon kaya mahirap naman kung ito ay isisisi sa kanilang nasa Minority.

Facebook Comments