Tinatapos na ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang outline ng kanyang ihahaing petisyon sa Korte Suprema para kwestyunin ang legalidad o constitutionality ng 2024 national budget.
Ayon kay Pimentel, kung siya lang ang masusunod ay gusto niyang makapaghain na sana sila ng petisyon sa Supreme Court ngayong buwan ng Enero at kung mas mapaaga ang paghahain ay mas maganda.
Ito aniya ay depende pa sa kahandaan ng kanyang mga abogado na kasalukuyan pa niyang kinakausap at binabalangkas pa ang lalamanin ng petisyong ihahain.
Sinabi pa ni Pimentel na kapag natapos niya ang outline ng petisyon ay saka niya ito ipakikita sa ibang senador at magbabakasakaling makakuha rin ng suporta sa ilan sa mga ito.
Sa ngayon aniya ay nakakuha siya ng isang kakamping mambabatas sa Kamara pero tumanggi ang senador na pangalanan o tukuyin kung sino ito hangga’t hindi pa ito lumalagda sa kanyang ihahaing petisyon.
Kabilang sa kukwestyunin ng senador ang constitutionality ng biglang paglobo ng unprogrammed funds sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act na mula sa P281 billion na original budget proposal ng Ehekutibo sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ay bigla itong lumobo sa P730 billion o nadagdagan pa ng P450 billion matapos na ilabas ang bicameral conference report.