Duda si Senate Minority Leader Koko Pimentel na makakatulong si Pangulong Bongbong Marcos Jr., para kumumbinsi ng mga senador na suportahan ang panukalang economic Charter Change.
Katwiran ni Pimentel, ito ay dahil bumaba sa “all time low” ang kredibilidad ng pangulo sa hanay ng mga senador pagdating sa usapin ng pag-amyenda sa ating Konstitusyon.
Giit ni Pimentel, lahat ng sasabihin ng pangulo ukol sa economic Cha-Cha ay hindi masyadong pahahalagahan o seseryosohin ng mga senador.
Matatandaang naunang sinabi ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairman Sonny Angara na makabubuting tumulong ang pangulo sa pagkumbinsi sa mga senador na amyendahan ang ilang economic provisions ng Konstitusyon matapos na aminin naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na malaking hamon sa kanya na makakuha ng 18 boto ng mga senador para pumabor sa Cha-Cha.