Minorya sa Senado, pinare-review sa Office of the President ang tungkol sa 95 percent na employment rate ng bansa

Ipinare-review ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Office of the President (OP) ang impormasyon na 95 percent ang employment rate sa bansa.

Aminado ang senador na hindi siya makapaniwala na ganoon kataas ang employment rate sa bansa.

Lumalabas aniya na mayroong ‘full employment’ ang bansa at hindi siya naniniwala rito dahil marami siyang nakikitang walang trabaho sa paligid.


Paliwanag ni Pimentel, kung mas mababa na lang sa limang porsyento ang walang trabaho ay maituturing na lahat ng mga Pilipino sa bansa ay may trabaho.

Umapela si Pimentel sa tanggapan ng pangulo na balikan at i-review kung bakit umabot sa halos full employment ang bansa.

Iginiit ng senador ang pangangailangan na i-double check ang bilang gayundin ang ahensya na nagbibigay ng figures na tulad nito.

Facebook Comments