Minorya sa Senado, tiwala na hindi maaapektuhan ang relasyon ng China at Pilipinas ng ginawang pagbati ni PBBM sa bagong Taiwan president

Kumpiyansa si Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi naman maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at China sa ginawang pagbati ni Pangulong Bongbong Marcos sa bagong halal na presidente ng Taiwan.

Ito’y kahit pa ikinagalit ng China ang ginawang pagbati ni PBBM sa bagong pangulo ng Taiwan na si Lai Ching-te na kilalang ‘separatist’ at inilalaban na isang sovereign state ang Taiwan.

Inihambing ni Pimentel sa tensyon ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea ang naging pagbati ni Pangulong Marcos sa Taiwan President na sa kabila ng mga isyu ay hindi apektado ang magandang bilateral relations ng dalawang bansa.


Aniya, hindi dahil binati ni PBBM ang nanalong pangulo ng Taiwan ay maibabasura na lamang ng basta-basta ang magandang relasyon ng Pilipinas at China.

Tiwala si Pimentel na nananatili ang ‘goodwill’ sa relasyon ng dalawang bansa at patuloy na maisasalba ang relasyon ng Pilipinas at ng China dahil matatag na noon pa man ang business chamber relationship sa pagitan ng PRC at ng Filipino-Chinese community.

Dagdag pa ni Pimentel, hindi rin dapat mabahala sa naging insulto ng China kay Pangulong Marcos dahil hindi lang naman ito ang unang pagkakataon na may nasita ang China na opisyal ng bansa at may mga propesyonal tayo sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may kakayahang humawak ng mga ganitong kontrobersyal na isyu.

Facebook Comments