Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kay Pangulong Bongbong Marcos na masusing bantayan ang utos na crackdown sa mga agricultural smugglers.
Matatandaang nagbaba ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng crackdown sa agricultural smugglers.
Ayon kay Pimentel, isang magandang hakbang ang ginawa ng pangulo dahil unti-unting masosolusyunan ang matagal nang problema at kalaban ng mga magsasaka ang mga smugglers.
Pero dapat nga aniyang ma-monitor ng husto ng presidente ang hakbang na ito lalo’t ilang beses nang naimbestigahan ng Senado ang smuggling pero sa kabila ng mga rekomendasyong binuo ng Mataas na Kapulungan na kasuhan ang mga natukoy na smugglers ay patuloy pa rin na nakakalaya at nakakapag-operate ito.
Sinabi pa ng mambabatas na kung seryosong susundin ng NBI at DOJ ang utos ay mas mapapadali ang pagbuwag sa mga kartel at talamak na smuggling ng mga agricultural products.