Minorya, tutol sa pagpapalawig ng termino ng barangay at SK officials

Nagpahayag ng pagtutol si Senate Minority Leader Koko Pimentel sa mungkahi na gawing anim na taon ang termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataang.

Kasunod na rin ito ng mungkahi ni Senator Imee Marcos na gawing anim na taon ang termino ng mga barangay at SK official dahil kukulangin ang tatlong taon para sila ay makapagsilbi sa mga constituent.

Puna ni Pimentel, kapag ginawa ito ay mas matagal pa ang termino ng mga Barangay at SK kumpara sa mga kongresista, gobernador, at mayor na hanggang tatlong taon lang ang panunungkulan.


Pagdating aniya sa demokrasya ay mas dapat pa nga na madalas ang halalan para sa barangay upang laging nare-renew ang kanilang mandato.

May mga kabataan aniya na mapagkakaitan na lumahok sa eleksyon kung pahahabain ang termino ng SK.

Sa ngayon ay nasa “period of interpellation” ng Senado ang panukala kaugnay sa pagpapaliban ng barangay at SK elections.

Facebook Comments