Hihilingin ng Commission on Elections (Comelec) sa Miru System ang kompanyang magsusuplay ng makina at election paraphernalia sa bansa na magsagawa ng demonstration sa harap ng mga mambababatas.
Tugon ito ni Comelec Chairman George Erwin Garcia sa hirit ni ACT Teachers Representative France Castro na bago maisapinal at malagdaan ang kasunduan sa Miru System ay mabusisi sana muna ng kongreso ang kontrata.
Ayon kay Garcia, may gagawing pagdinig ang Kongreso sa March 5 kaugnay sa automated elections.
Paliwanag ni Garcia, dapat na personal na makita ng mga kongresista ang mga makina at maranasan ang bagong teknolohiya at sistema para makita kung may mga kahinaan ito.
Mapupuna aniya ng mga kongresista ang mali kung mayroon man at maitatama sa kontrata.
Sa ganitong paraan, sinabi ni Garcia na mabubura ang agam-agam ng lahat sa resulta ng eleksyon.