Hindi na muna magdaraos ng mga misa at mga pampublikong aktibidad sa mga simbahang sakop ng Archdiocese of Manila.
Ito ay batay sa pastoral letter na inilabas ni Manila Administrator Bishop Broderick Pabillo na “A call of charity for the common good.”
Sa naturang pastoral letter, sinabi ni Bishop Pabillo na pansamantalang kanselado ang mga Holy mass at public activities sa mga simbahan bilang pag-iingat lalo’t itinaas na sa Code Red sublevel-2 ang alerto sa coronavirus disease o COVID-19.
Magsisimula ito bukas, March 14 hanggang sa March 20.
Ayon pa kay Bishop Pabillo, batid niya na maaaring makaapekto ito sa mga mananampalataya at mga pari ngunit gawin na lamang ito bilang bahagi ng “spirit of sacrifice” para sa kapakanan ng nakararami.
Tiniyak naman ni Pabillo na nakamonitor ang Archdiocese of Manila sa sitwasyon kung saan nakikipag-koordinasyon sila sa Department of Health at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Bilin naman ni Bishop Pabillo sa publiko na maging updated sa pamamagitan ng opisyal na website ng Archdiocese of Manila at higit sa lahat, iwasan ang “fake news.”