
Dinagsa ng mga mananampalataya at deboto ang misa sa Quiapo Church ngayong unang Biyernes ng taong 2026.
Ito ay isang linggo bago ang pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa January 9, 2026.
Ilan sa mga dumalo sa misa ay sa labas na lamang nakinig, kung saan ginabayan sila ng mga Hijos del Nazareno.
Mahigpit na pagbabantay ang ipinatupad ng Manila Police District (MPD) upang masiguro ang kaayusan at kapayapaan, habang sila rin ang nagmamando ng daloy ng trapiko sa paligid ng simbahan.
Una nang inanunsyo ang ilang aktibidad kaugnay ng kapistahan, kabilang ang pagbabasbas ng mga replica ng Poong Jesus Nazareno na isasagawa bukas ng hapon, January 2.
Tuloy-tuloy din ang mga novena mass hanggang January 8. Isasagawa naman ang Pahalik sa January 5 sa Quirino Grandstand, habang sa January 9 gaganapin ang Traslacion ng Poong Jesus Nazareno.









