Nag-isyu na ng pastoral letter ang Archdiocese of Manila kaugnay ng nagpapatuloy na banta ng COVID-19 sa bansa bilang pag-iingat na rin ng lahat.
Sa dalawang pahinang pastoral letter pirmado ni Bishop Broderick Pabillo, inanunsyo nito ang pansamantalang suspensyon ng mga misa sa lahat ng mga simbahang sakop ng Archdiocese of Manila sa loob ng isang linggo o pitong araw simula sa Marso 14 hanggang Marso 20, 2020.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ginawa nila ang naturang desisyon kasunod na rin ng pagtataas sa alert sublevel 2 sa COVID-19.
Nakikiisa, aniya, ang simbahan na maiwasan ang malalaking pagtitipon para na rin maiwasan ang pagkalat ng virus.
Nilinaw ng simbahan na hindi ito pagpapanic kundi bahagi lamang ng pag-iingat para na rin sa kapakanan ng mas nakararami.
Aminado si Bishop Pabillo na maaring makaapekto ito sa mga mananampalataya at ng mga pari subalit kailangan, aniya, itong gawin bilang bahagi ng sakripisyo para sa ikabubuti ng lahat.
Bagama’t, wala munang misa, hinimok ng simbahan ang mga katoliko na patuloy na manalangin.
Simula bukas, Marso 14, patutunugin din ang mga kampana ng simbahan tuwing alas-dose ng tanghali at alas-otso ng gabi para hikayatin ang publiko na magdasal ng oratio imperata kontra sa COVID-19.
Umapela rin ang simbahan sa publiko na iwasan ang panic buying. Paliwanag ni Bishop Pabillo, hindi lamang sarili ang dapat nating inaalala sa panahon ng krisis kundi pati ang kapakanan ng iba.
Hinimok din nito ang mga simbahan at bahay dalanginan na maging bukas pa rin para sa mga nagnanais na manalangin.
Dapat ding mayroong available na mga hand sanitizers sa mga entrada ng simbahan at dapat ding regular ang paglilinis at disinfection ng mga simbahan.
Nilinaw naman sa naturang pastoral letter na bagama’t alam ng lahat na mayroong panganib, dapat paring maging available ang mga pari para bisitahin ang mga maysakit na nangangailangan ng panalangin.