Patuloy ang pagtungo ng mga deboto sa mga misa na isinagawa sa Basilika Menor at Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno sa Quiapo ngayong Bagong Taon sa kabila ng pabago-bagong lagay ng panahon.
Ang iba sa kanila ay naglaan ng oras para makadalo sa banal na misa at alamin na rin ang schedule ng mga aktibidad kaugnay sa kapistahan ng Hesus Nazareno.
Alas-5:00 ng umaga ng sinimulan ang unang misa kung saan ito rin ang unang araw ng pagbisita sa mga barangay ng pamunuan ng simbahan ng Quiapo bilang bahagi ng aktibidad ng pista ng Hesus Nazareno.
Sa January 2 naman ay ang blessing ng replika at estandarte na magsisimula sa ganap na ala-1:30 ng hapon.
Pagsapit ng unang araw ng Biyernes ng taon at buwan ng January 2025, maagang sisimulan ang misa sa ganap na alas-4:00 ng madaling araw at magtutuloy-tuloy hanggang alas-8:00 ng gabi.
Sa mismong araw ng kapistahan ng Hesus Nazareno, alas-12:00 ng hatinggabi gagawin ang misa hanggang alas-11:00 ng gabi kasabay ng pagtatapos ng prusisyon.