Iginiit ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) na kailangan pa ring maningil ng mga pribadong paaralan ng miscellaneous fees sa kabila ng pagsusulong ng online classes.
Ayon kay COCOPEA Managing Director Atty. Joseph Noel Estrada, importanteng may pondo pa rin ang mga paaralan para sa maintenance ng kanilang mga pasilidad.
Dagdag pa ni Estrada, batid ng mga pribadong sektor na karamihan sa mga estudyante ay “economically-affected” ng pandemya, dahilan para bawasan at magbigay sila ng rebates sa school fees.
Sinabi naman ni Education Undersecretary Jesus Mateo, ilang miscellaneous fees tulad ng library fee ay hindi na dapat ipataw lalo at online isasagawa ang mga klase.
Sa ngayon, ang guidelines para sa tuition at iba pang school fees ay nakatakda pa lamang ilabas ng Department of Education (DepEd) sa gitna ng kanselasyon ng face-to-face classes.
Hinihimok ng DepEd ang mga magulang na tawagan ang pamunuan ng eskwelahan kung mayroon silang mga katanungan patungkol sa mga fee.