Misencounter ng PNP at PDEA, naiwasan sana kung napagtibay ang pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act

62

Naniniwala si Dangerous Drugs Committee Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na maiiwasan sana ang nangyaring ‘misencounter’ sa pagitan ng Philippine Drug Enforcement Agency at Philippine National Police kung napagtibay lamang sana noon ang panukala na pag-amyenda sa Dangerous Drugs Act.

Matatandaan na noong 17th Congress ay naaprubahan ang panukala na pag-amyenda sa Republic Act 9165 na ini-akda ni Barbers pero wala namang naihaing bersyon ang Senado kaya hindi na rin ito umusad.


Ngayong 18th Congress, isang araw naman bago ang madugong engkwentro ng mga tauhan ng QCPD at mga ahente ng PDEA ay naipasa sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala.

Partikular na inamyendahan ang Section 21 ng batas kung saan gagawin nang mandatory equipment ang body cameras na isusuot ng law enforcement sa tuwing magsasagawa ng aktwal na anti-drug operation.

Napansin ni Barbers na kahit matagal na nilang ipinapanawagan ang mandatory na pagsusuot ng body cameras ay tila nagbibingi-bingihan ang ilan na dapat nagpapatupad nito.

Kung meron aniyang body cameras ay posibleng napigilan ang insidente kamakailan o kaya naman ay na-i-record sana ang mga pangyayari habang nasa operasyon.



Ilan pa sa mahahalagang amendments sa batas ay ang pagsama ng legal presumption laban sa mga personalidad o indibidwal na pinaghihinalaang coddlers o protector at financier ng mga drug suspects o sindikato, importers o exporters at manufacturers o cultivators at maging ang mga consenting lessors o landlords na pumapayag na magparenta ng pag-aari para gamiting laboratoryo o drug dens.


Kinalampag naman ni Barbers ang Senado na maghain na rin ng kaparehong bersyon ng panukala.

Facebook Comments