Iikot ang mga team ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG) sa iba’t ibang palengke sa buong bansa para mabantayan kung nasusunod ang itinakdang price cap sa bigas.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DTI Secretary Alfredo Pascual na isa sa babantay nila ay ang mislabeling sa bigas.
Ang mislabeling sa bigas ay ang paglalagay ng ibang label o pangalan sa bigas para maligtas ito sa price cap.
Ayon kay Pascual, tanging ang regular milled rice at well milled rice lamang ang saklaw ang price cap at hindi kasali ang premium rice.
Kaya naman posible pa rin ayon kay Pascual na makapandaya ang ilang negosyante katulad ng paglalagay ng ibang pangalan sa regular milled at well milled rice para maibenta pa rin nila ito nang mas mataas sa price cap na P41 at P45 kada kilo.
Dahil dito babala ni Pascual, sinumang mapatutunayang nagbibenta sa mahigit pa sa itinakdang price cap ay mahaharap sa parusang pagkakakulong ng isang taon at hindi hihigit sa sampung taon at pagmumultahin ng limang libong piso at hindi hihigit sa isang milyong piso.
Ang mga nagmamanipula naman ng presyo ng bigas sa pamamagitan ng pang-iipit o hoarding ng bigas ay makukulong ng limang taon hanggang 15 taon at pagmumultahin ng limang libong piso at hindi hihigit sa tatlong milyong piso.