"MISLEADING" | Suspensyon sa 2nd tranche ng excise tax sa fuel, panloloko lamang – Rep. Casilao

Manila, Philippines – Tinawag ni Anakpawis Party list Representative Ariel Casilao na “misleading” o isang panloloko ang pagsuspinde sa ikalawang tranche ng excise tax ng fuel na ipapataw sana sa 2019.

Ayon kay Casilao, nais lamang ng gobyerno na pagmukhaing nagbibigay sila ng solusyon pero ang first tranche ng ipinataw na excise tax sa fuel sa ilalim ng TRAIN Law ngayong taon ay nagbunga na ng maraming negatibong epekto sa buhay ng mga mahihirap na Pilipino tulad ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin.

Aniya, ang talagang demand ng mga mahihirap ay ang tuluyang pagbasura sa TRAIN Law.


Paliwanag ng mambabatas, ang tanging suspendido lamang ay ang P4.50 sa diesel at nuwebe pesos sa gasolina na excise tax na ipapataw sana sa 2019 pero ang P2.50 sa kada litro ng diesel at P7 kada litro ng gasolina na excise tax mula sa unang bahagi ay mananatili.

Malinaw din aniya na ang nararanasang mataas na presyo ng bilihin ngayon ay ang unang tranche ng TRAIN at hindi ang panibagong ipapataw na buwis sa langis sa susunod na taon.

Mistulang inani na rin aniya ng administrasyon na dahil sa epekto dulot ng TRAIN ay bumaba ang trust rating ng Pangulo kung kaya nag-imbento na ito ng Red October na ngayon naman ay na-lipat sa Disyembre.

Facebook Comments