MISS UNIVERSE 2018 | Mga senador, nagbunyi sa tagumpay ng Pilipinas sa Miss Universe pageant

Nagpa-abot agad ng pagbati ang mga senador sa ating pambato na si Catriona Gray na nakasungkit ng titulo bilang Miss Universe 2018.

Hinangaan ni Senate President Tito Sotto III ang magaling na sagot ni Gray, ang pagdadala nito sa kanyang gown at ang kapuri puring personalidad.

Para naman kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, ipinakita ni Gray sa question and answer portion na hindi lang ito maganda dahil may puso din ito at pagmamalasakit sa mga mahihirap lalo na sa mga bata.


Pinasalamatan naman ni Senator Sonny Angara si Gray sa karangalang ibinigay sa bansa at sa pagbibigay ng inspirasyon, at dagdag pang kasiyahan ngayong Pasko para sa lahat ng mga Pilipino.

Diin naman ni Senator Grace Poe, karapat-dapat lamang ang korona para sa isang babeng katulad ni Gray na angat ang istilo, may tapang at substance.

Umaasa naman si Senator Joel Villanueva na ang tagumpay ni Gray ay magbigay ng positibong pagbabago, pagpapalakas sa mga kababaihan at promotion sa turismo ng ating bansa.

Sabi naman ni Senator JV Ejercito, proud moment para sa mga Pilipino ang panalo ni Gray.

Habang itinuturing naman ni Senator Win Gatchalian naman ang panalo ni Gray bilang inspirasyon sa ating mga kababayan.

Nagpasalamat naman si Senator Bam Aquino dahil ipinakita ni Gray sa buong mundo na ang gandang Filipina na punung puno ng pagmamahal at pagiging malikhain.

Facebook Comments