Isang inspirasyon ngayon ang kandidata ng Miss Universe Pangasinan na si Rose Ann Cariño Albania, matapos niyang ibahagi ang kanyang kuwento kung paano niya ginamit ang takot at hiya bilang sandata upang iahon ang sarili at maabot ang kanyang mga pangarap.
Madalas umanong sumama noon si Rose Ann sa kanyang ama na kilala bilang “Balbon” sa paglilinis ng mga bus upang makatulong sa kanilang pamilya- isang karanasan umano na matagal niyang itinago habang unti-unti siyang pumapasok sa mundo ng beauty pageants.
Ngayon, buong tapang na niyang tinatahak ang entablado bilang Miss Universe Pangasinan, dala-dala ang kuwento ng kanyang pamilya at ang kanyang pinagmulan.
Dahil dito, marami umano ang nagugulat tuwing kanyang itong ikwenekwento, “Sikato may anak nen Balbon, datin mimila ya manlinis na bus… sikato la itan, Miss Universe la,” kaya sa tuwing naririnig ito ni Rose Ann, may halong saya at pagmamalaki, sapagkat patunay ito kung gaano na kalayo ang kanyang narating.
Marami naman ang naantig sa kanyang ibinahaging kuwento, isang paalala na ang tunay na kagandahan ay makikita sa gitna ng mga pagsubok at sa bawat pangarap na maabot ng sinumang may lakas ng loob na yakapin at ipagmalaki ang kanilang pinagmulan.
Mula sa IFM Dagupan, buong suporta at pagpupugay bilang kinatawan ng Pangasinan sa Miss Universe Philippines! |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










