MISSING BRIDE TO BE NA SI SHERRAH DE JUAN, NATAGPUAN NA SA PANGASINAN

Natagpuan na ang nawawalang bride to be na si Sherrah de Juan sa bayan ng Sison, Pangasinan, ayon sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon, Disyembre 29, 2025.

Huling nakita si de Juan noong Disyembre 10, bandang alas-1:30 ng hapon, sa Commonwealth Avenue malapit sa Atherton Street sa North Fairview, Quezon City, ilang araw bago ang kanyang nakatakdang kasal sa fiance na si Mark Arjay Reyes.

Ayon sa QCPD, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na si de Juan ay nasa Pangasinan. Ito ay agad na nakumpirma ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng online communication.

Dahil dito, kaagad na bumiyahe ang mga awtoridad kasama ang pamilya patungong Sison upang sunduin si de Juan. Bandang alas kwatro ng hapon, matagumpay siyang naabot at isinailalim sa medical check-up upang matiyak ang kanyang kalagayan.

Ibinahagi rin ng QCPD na may ilang pahayag na ibinigay si de Juan hinggil sa kanyang pagkawala, subalit kinakailangan pa itong linawin sa pormal na panayam ng mga imbestigador.

Matatandaang nag-alok ng ₱150,000 na pabuya ang fiance ni de Juan sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa kanyang pagkakatagpo.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari upang mabigyang-linaw ang mga detalye ng insidente.

Facebook Comments