Manila, Philippines – Makikipagtulungan ang Philippine National Police sa Department of Interior and local Government o DILG para maimbestigahan ang mga local chief executives sa Cordillera Administrative Region na missing in action o hindi nagtrabaho noong kasagsagan ng Bagyong Ompong.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Senior Supt Benigno Durana sa ngayon ay wala pang utos ang DILG sa PNP para tulungan silang tukuyin ang mga local chief executives na hindi tumupad ng kanilang trabaho sa panahong nananalasa ang bagyong ompong, pero handa aniya ang PNP na tumulong.
Sinabi ni Durana dapat na matukoy kung talagang nagpatupad ng pre emptive o force evacuation ang lahat ng local chief executives sa CAR.
Batay sa monitoring ng PNP ang CAR ang may pinakamaraming naitalang namatay dahil sa bagsik ng bagyong ompong.
Sa huling ulat ng PNP, 74 indibidwal ang namatay dahil sa epekto ng bagyong ompong, 60 indibidwal rito ay naitalang namatay sa CAR.
Tiniyak naman ni Durana na hindi titigil ang PNP sa pagbibigay ng tulong sa mga LGUs lalo na sa CAR para mahanap ang mga nawawala pang indibidwal.