MISTAKEN IDENTITY | Isa pang tanod na isinasangkot sa Mandaluyong shooting incident, posibleng sumuko na

Manila, Philippines – Inaantabayanan na rin ng pamahalaang lokal ng Mandaluyong ang pagsuko na ng isa pa sa tatlong tanod na isinasangkot sa insidente ng pagkamatay ng isa at pagkasugat ng dalawang iba pa na sakay ng isang AUV na pinaulanan ng bala sa Barangay Wack Wack, Shaw Boulevard, Mandaluyong City.

Sa impormayong nakalap mula kay Jimmy Isidro, ang tagapagsalita ng Mandaluyong City Government, sinabi nito na nakausap na ng Barangay chairman ng Barangay Wack Wack ang tanod na si Gorge Golfo kasabay ng pagpapadala na umano nito ng surrender feeler.

Posible anyang ngayong araw din ay lumutang na ang nasabing tanod para bigyang linaw ang kanyang kinasangkutang kontrobersya.


Kasunod na rin ito ng pagkakaaresto at pagsasampa ng kaso sa dalawa pang tanod na sina Wilmer Duron at Ernesto Fajarado.
Muli naman nilinaw ni Isidro na hindi kailanman kukunsintihin ng pamahalaang lokal ang sinumang tauhan ng gobyerno na magmamalabis sa kanilang tungkulin, lalo na ang mga tanod na magbibitbit ng armas na anya ay walang pahintulot sa Mandaluyong City Government.

Aniya, hindi minamaliit ng pamahalaang lokal ang naging maagap na pagresponde at pagkordon ng mga tanod kasama ang mga pulis.

Pero, dapat aniyang naging sensitibo din ang mga ito sa pagtanggap ng impormasyon.

Para matiyak na tama ang kanilang target ng naiwasan sana ang trahedya sa kanilang misyon.

Facebook Comments