MISTAKEN IDENTITY | Pamamaril sa Mandaluyong, palyado sa operational procedure

Manila, Philippines – Inamin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may lapses sa operational procedure ng Mandaluyong police na ikinamatay ng dalawang sibilyan at ikinasugat ng dalawang iba pa.

Nangyari ang insidente matapos na mapagkamalang getaway vehicle ng suspek sa pamamaril sa lugar ang puting mitsubishi adventure na sinasakyan ni Jonalyn Ambaan na noo’y isusugod sana sa ospital.

Ayon kay NCRPO Spokesperson Superintendent Kimberly Molitas, may lapses sa standard operation procedure dahil namaril ang mga pulis kahit walang active shooter o walang bumaril sa kanila mula sa loob ng sasakyan.


Sa isyu naman ng overkill, 36 na basyo ng bala ang nakuha sa lugar kahit walang namaril mula sa mga biktima.

Samantala, hinikayat ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang team leader ng Mandaluyong police na nagsagawa ng operasyon na lumutang na.

Nabatid na biglang nag-AWOL sa trabaho si Senior Inspector Maria Cristina Vasquez matapos ang insidente noong huwebes.

Hindi rin dumalo sa inquest proceedings si Vasquez para sa kasong homicide at frustrated homicide na isinampa laban sa kanya.

Hindi rin siya nag-report sa Regional Police Holding And Accounting Unit kung saan dapat sila isasalalim sa restrictive custody.

Giit ni Dela Rosa, huwag dapat matakot si Vasquez dahil hindi naman nila ginusto ang nangyari.

Gayunman, kailangan pa rin niyang managot dahil sa palpak na operasyon.

Facebook Comments