Mister na Nanakit sa Pamilya, Arestado!

Diffun, Quirino- Nahaharap sa kasong Paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Their Children (VAWC) ang isang mister matapos nitong saktan ang kanyang misis kamakailan.

Kinilala ang suspek na si Angelito Andrada, 56 anyos, negosyante at residente ng Brgy. Maria Clara, Diffun, Quirino.

Batay sa natanggap na impormasyon ng RMN Cauayan sa PNP Diffun, dati na umanong naka-inom ng alak ang suspek bago humingi ng isa pang bote ng alak sa kanyang asawa subalit tinanggihan ng kanyang misis ang hiling nito.


Dahil sa hindi umano ibinigay ng misis ang hiling ng suspek ay binatak nito ang bote ng alak maging ang mangkok at baso sa kanyang misis.

Napag-alaman din base sa salaysay ng biktima na tuwing lasing ang kanyang asawa ay lagi umano itong nananakit maging ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbabato sa kanila ng matitigas na bagay at sinasabi rin umano ng suspek sa biktima na papatayin niya ang mga ito o di kaya’y susunugin ang kanilang bahay.

Agad umanong nagsumbong ang biktima sa kanilang himpilan na agad ring nirespondehan ng kapulisan na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.

Dinala naman sa PNP Diffun ang suspek para sa kanyang kaukulang kaso.

Facebook Comments