MISTER NA TINULUNGAN ANG ASAWANG HINOLDAP, PATAY; HOLDAPER, ISANG LGU EMPLOYEE NA LULONG SA SUGAL

Cauayan City – Nasawi ang isang 71 taong gulang na matandang lalaki matapos na saksakin ng nang-holdap sa kanyang asawa, nito lamang ika-20 ng Marso sa San Antonio South, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa ulat, nagtungo umano ang biktima kasama ang asawa nito sa pastulan ng kanilang kambing sa nabanggit na lugar upang tingnan ang kanilang mga alaga.

Naiwan umano sa tricycle ang misis nito, ngunit habang naghihintay ay nilapitan ito ng isang lalaking nakamotor at inagaw ang kanyang bag na may lamang higit P40,000 cash.


Nang marinig ng biktima ang sigaw ng kanyang misis, kaagad niya itong sinaklolohan at nakipag-agawan sa suspek subalit nasaksak siya nito sa dibdib na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

Samantala, sa isinagawang hot pursuit operation ng kapulisan kaagad ring natunton ang suspek sa isang slaughter house na malapit sa pinangyarihan ng insidente.

Napag-alamang na ang 45 anyos na suspek na residente ng Sto. Domingo Proper sa nabanggit na bayan ay isa palang LGU Employee at lulong sa sugal.

Sa imbestigasyon ng Bambang PS, nakita sa compartment ng motor ng suspek ang duguang damit nito at ang ID ng babaeng biktima.

Sasampahan naman ng kasong Robbery with Homicide ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Bambang Police Station.

Facebook Comments