ALBUQUERQUE, New Mexico – Humaharap sa patung-patong na kaso ang isang 63-anyos na lalaki matapos magtangkang sunugin ang kanyang asawang may kapansanan nang hindi umano ito nabigyan ng relief check mula sa gobyerno.
Ayon sa report ng Albuquerque Journal, inaresto noong Miyerkules si Joe Macias matapos makapagsumbong ang kanyang asawa sa mga pulis.
Dakong alas 5 ng hapon ng umuwi raw si Macias sa kanilang bahay na mayroong apat na bote ng beer na nababalisa umano dahil hindi ito napili para mabigyan ng relief check.
Bigla na lang daw nitong binuhusan ng gasolina ang kanyang asawa maging ang buong bahay at makailang ulit na nagsindi ng sigarilyo.
Kwento pa ng asawa, hindi raw nagtagumpay ang mister dahil nabasa umano ang lighter na gamit nito.
Base pa sa ulat ng mga pulis, natagpuan nila ang suspek na naglalakad sa kalye at basang-basa ng gasolina ang suot nitong damit.
Nadiskubre naman nila ang asawa nito na basang-basa rin ng gasolina habang nakahandusay sa sahig ng kalapit na sasakyan.
Nahaharap sa kasong attempted murder, kidnapping, at aggravated battery against a household member si Macias.