Mistulang pagkokontrol ng China sa NGCP board meetings, sinita ng Senado

Nasita ni Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo ang hindi pagdaraos ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng board meeting kapag wala ang mga kinatawan ng State Grid of China.

Sa pagdinig sa Senado, pinuna ng senador na mistulang kinokontrol ng kumpanya ng China ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kahit pa 60 percent dito ay pagmamay-ari naman ng mga Pilipino at 40 percent lang naman ang sa China.

Ang NGCP ang siyang nagpapatakbo ng transmission o pagpapadaloy ng kuryente sa buong bansa kung saan ang Chairman ng board ay isang Chinese National pero ito ay tumatayong presiding officer lamang.


Paliwanag ni NGCP Corporate Secretary Ronald Dylan Concepcion, hindi nakakapag-convene ang board kapag wala ang kinatawan ng State Grid of China pero nilinaw naman na kapag dalawang magkasunod na hindi nagpadala ng representative ang China ay maaaring nang magconvene angn mga Filipino shareholders na nagmamay-ari ng 60 percent ng korporasyon.

Depensa pa ng NGCP, hindi ito tyranny o pagkontrol sa NGCP ng mga Chinese kundi ito ay lehitimong proteksyon ng minority sa korporasyon at ang patakaran ay kinikilala ng Supreme Court.

Dagdag pa ng NGCP, cooperative palagi ang mga Chinese at tumatalima ang mga ito sa batas ng bansa at palagi ring present sa kanilang mga board meetings.

Pero ayon naman kay Energy Committee Vice Chairman Senator Sherwin Gatchalian, lumilitaw na may de facto power ang mga Chinese na minority shareholder at mapanganib aniya ito dahil maaaring i-delay ng mga Chinese ang pagdedesisyon ng NGCP lalo na kung mataon na may emergency o banta sa ating national security.

Facebook Comments