Na-nutralisa ng mga tauhan ng Philippine Army (PA) ang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) makaraan ang kanilang engkwentro sa Patikul, Sulu nitong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, naganap ang engkwentro sa pagitan ng 45th Infantry Battalion at apat na ASG members sa pangunguna ni alias Padding.
Sinabi pa ni Gen. Patrimonio na matapos ang sagupaan sa pagitan ng dalawang panig tumambad sa kanila ang wala nang buhay na katawan ni Ben Saji.
Narekober din sa encounter site ang (1) 5.56mm colt M16A1 rifle na may magazine at 28 rounds ng ammunition.
Sa ngayon ayon kay Brig. Gen. Arturo Rojas, Acting Commander ng Western Mindanao Command nagpapatuloy ang hot pursuit operations nila sa iba pang kasama nang napatay na ASG member na nagsipulasan sa ibat ibang direksyon makaraan ang engkwentro.
Kasunod nito, patuloy na apela ng AFP sa mga rebelde na sumuko na lamang, iwanan ang madugong pakikibaka at magbalik loob na sa pamahalaan upang makapamuhay ng normal kasama ang kani-kanilang mga pamilya.