Miyembro ng BIFF, patay sa sagupaan sa Maguindanao

Patay ang isang miyembro ng Islamic State-inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng militar sa Datu Hoffer, Maguindanao, kahapon.

Ayon kay Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., nagsasagawa ng checkpoint operations ang mga sundalo ng 1st Mechanized Infantry Brigade at mga CAFGU sa Barangay Limpongo, Datu Hoffer nang makasagupa nila ang nasa sampung miyembro ng BIFF.

Nagtagal ng 45 minuto ang sagupaan dahilan ng pagkasawi ng BIFF member habang sugatan naman ang isang miyembro ng Civilian Active Auxiliary na agad isinugod sa ospital.


Nakilala naman ang nasawing BIFF na si alyas “Nasser Kandao” kung saan nakuha sa kanyang ang isang M16 rifle, isang XRM motorcycle at dalawang short magazines.

Sa ngayon, patuloy ang combat patrol ng militar sa Ampatuan at Shariff Aguak National Highway at may blockade na rin para maharang ang mga nakatakas na mga BIFF.

Facebook Comments