Miyembro ng CAFGU, Binaril ang Biyenan Patay!

Benito Soliven, Isabela- Patay ang isang lola matapos barilin ng kanyang mismong manugang sa Brgy. Ara, Benito Soliven, Isabela.

Ang biktima ay kinilalang si Marcelina Vergara, animnapu’t dalawang taong gulang habang ang suspek at manugang ng biktima ay kinilalang si Zaldy Ancheta, trentay singko anyos, may-asawa at miyembro ng Ara Patrol Base 77th Infantry Battalion Delta at pawang mga residente naturang Barangay.

Batay sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan sa PNP Benito Soliven, lumalabas sa kanilang imbestigasyon, na kasalukuyang nawalan ng daloy ng kuryente ang buong lugar nang umuwi ang suspek sa bahay ng kanyang biyenan at tinanong sa biktima kung nasaan ang kanyang biyenang lalaki.


Nang malaman ng suspek na nasa kabilang bahay ang kanyang biyenang lalaki ay agad nitong binaril sa kanang bahagi ng dibdib si Vergara gamit ang kanyang M14 rifle at agad ring tumakas matapos ang kanyang pamamaril sa biktima.

Sinubukan pang isugod sa pagamutan ang biktima subalit nawalan na ito ng buhay.

Narekober naman mula sa pinagyarihan ng krimen ang isang basyo ng balang M14, isang Mag ng M14 at labing anim na Live Ammunitions ng Caliber M14.

Napag-alaman din ng pulisya na lagi umanong pinagsasabihan ng biktima ang suspek na itigil na nito ang pag-iinom ng alak at huwag masyadong mag-selos sa kanyang asawa na nasa ibang bansa.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng PNP Benito Soliven laban sa suspek na si Zaldy Ancheta.

Facebook Comments