Miyembro ng CAFGU, Binaril ng Kapwa CAFGU dahil Umano sa Trabaho

Cauayan City, Isabela- Nauwi sa pamamaril ang alitan ng dalawang kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa loob mismo ng kanilang kampo sa Brgy. Gaggabutan West, Rizal, Cagayan.

Nakilala ang biktima na si Adrin Dassun, 29 taong gulang, may asawa habang ang suspek ay nakilalang si Joarly Cauilan, 42 taong gulang na kapwa residente ng Brgy. Linno-C, Rizal, Cagayan at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 17th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Richard L Balinnang, tagapagsiyasat ng PNP Rizal, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek na may kinalaman sa kanilang trabaho.


Habang nagpapahinga ang biktima sa higaan nito ay nilapitan siya ng suspek na may dalang homemade Caliber 45 pistol at basta na lamang binaril sa katawan ang biktima.

Agad namang rumesponde ang mga kasamahan sa kampo matapos ang insidente.

Inaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya maging ang ginamit na kalibre sa pamamaril.

Kasalukuyan naman nasa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang biktima.

Ayon pa kay PSSgt, nabatid na positibo sa nakalalasing na inumin ang suspek.

Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments