Miyembro ng ‘Laslas Gang’, arestado matapos maaktuhan na nambibiktima sa loob ng isang pampasaherong bus sa Pasay City

Pasay City – Nabulilyaso ang lakad kagabi ng isang miyembro ng ‘Laslas Gang’ matapos na hindi namalayan na may pulis na nakasakay sa biniktima nilang pampasaherong bus sa Pasay City.

Kinilala ang suspek na si Leonardo Calamaya, 41-anyos, residente ng Muntinlupa City.

Ayon sa nakaarestong si PO1 Hajji Corotan ng Pasay City Police Intelligence Section, sakay siya ng bus na may biyaheng Fairview-MOA nang mapansin nya ang kahina-hinalang kilos ng suspek sa bahagi pa lamang ng Makati City.


Nang makarating sa MOA, nadiskubre ng katabing pasahero ng suspek na nawawala na ang kanyang wallet.

Dito sinita ng pulis ang suspek kung saan nakuha sa kanya ang isang maliit na blade.

Nang dalhin sa istasyon ng pulis, nakuha pa sa suspek ang wallet na may lamang iba’t-ibang identification card.

Hindi na nakuha sa suspek ang wallet ng biktima na may lamang 800 pesos.

Aminado naman ang pasaherong nadukutan na nakatulog siya habang hawak ang kanyang wallet.

Hinala ng pulisya, posibleng naipasa na sa ibang kasabwat ng suspek ang ninakaw na wallet.

Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa kasong theft.

Facebook Comments