Arestado ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos maaktuhang walang habas na nagpapaputok ng baril bago ang pagsapit ng Bagong Taon sa kanilang barangay sa Quezon City.
Kinilala ang arestado na si Ferdinand Dela Cruz Bagundol, 40, may asawa, miyembro ng PCG, nakatalaga sa General Services Division, Coast Guard Base Parola.
Bandang alas-8:37 ng gabi noong December 31 nang maispatan ang suspek na nagpapaputok ng baril sa harapan ng kanilang bahay sa Hobart Village, Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Nagkataong nagpapatrolya noon ang mga operatiba ng Pasong Putik Poper Police Station (PS-16) nang makarinig ng mga putok ng baril sa lugar.
Agad nilang hinanap ang pinagmulan ng mga putok ng baril at naaktuhan pa ang suspek na nakatayo sa harapan ng kanilang bahay na may hawak ng baril.
Nagtangka pang muling magpaputok ng baril ang PCG ngunit nang mamataan ang paparating na mga awtoridad ay nagmamadaling pumasok sa kanilang bahay ang suspek pero agad din siyang inaresto ng mga pulis.
Kinumpiska sa suspek ang (1) black leather sling bag na naglalaman ng (1) 9MM Shooters pistol na may serial M901210071, (2) magazines, isa rito ang may laman na pitong bala, habang pitong fired cartridge cases ang nasamsam sa lugar.