Miyembro ng Private Armed Group, Kulong sa Pagtutulak ng Droga!

*Jones, Isabela- *Arestado ang isang miyembro ng Private Armed Group matapos magpositibo sa inilatag na transakyon ng mga otoridad sa Brgy Minuri, Jones, Isabela.

Bagsak sa kulungan ang suspek na si Nixon Ballad, may asawa at residente ng Brgy. Dibuluan, Jones, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan mula sa IPPO, alas sais kagabi nang madakip si Ballad sa isinagawang Drug Buy Bust Operation ng PNP Jones katuwang ang Drug Enforcement Unit, 3rd platoon ng 2nd Isabela Public Mobile Company, Provincial Intelligence Branch ng IPPO at PDEA Region 2.


Ito’y matapos makatanggap na impormasyon ang PNP Jones kaugnay sa pagbebenta ng droga ng suspek sa bayan ng Jones at sa mga karatig na bayan.

Kaugnay nito, habang isinasagawa ang transaksyon sa suspek ay natunugan nito ang pa-in ng mga otoridad kaya’t nagawa nitong tumakbo subalit nahuli rin ng mga naka alertong opisyal na kasama sa operasyon.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ni Ballad ang limang daang piso na buy bust money, isang hand grenade, isang sachet ng hinihinalang shabu, isang heat sealed ng pinatuyong dahon ng marijuana at isang unit ng motorsiklo.

Nasa kustodiya na ng Jones Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments