Miyembro ng Solid 7 na pinag-aaralang lumipat sa Minorya, aabot na ng lima!

Aabot na sa limang senador ang nakahandang lumipat sa grupo ng minorya sa Senado.

Ayon kay dating Senate Majority Leader Joel Villanueva, maituturing pa ring ‘option’ sa bahagi ng Solid 7 ang paglipat sa Minority group nila Senate Minority Leader Koko Pimentel.

This slideshow requires JavaScript.


Bukod aniya sa kanya ay may tatlo hanggang apat pang senador ang naghayag ng pagiging bukas na maging parte ng oposisyon sa Mataas na Kapulungan kabilang sina dating Senate President Migz Zubiri, Senator Nancy Binay, Senator JV Ejercito at Senator Sonny Angara.

Sinabi ni Villanueva na gagamitin nila ang panahon ng session break para pag-aralan, pag-isipan at ipagdasal kung ano ang magiging desisyon nila sa huli.

Inamin din ng mambabatas na nasa 50 percent na siya sa pag-iisip na lumipat sa minority dahil sa dami pa ng naglalabasang espekulasyon sa pagsibak sa kanila sa pwesto sa kabila ng kanilang mga naging sakripisyo at maiging pagtatrabaho sa Senado.

Sinabi pa ni Villanueva na nakausap na nila si Pimentel at sinabi sa kanila na ‘very much welcome’ sila na sumapi sa oposisyon.

Facebook Comments