MMC, inirekomenda sa IATF na payagan nang lumabas ang nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang

Inirekomenda ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter Agency Task Force (IATF) na payagan na ring lumabas ng kanilang bahay ang mga edad 15 hanggang 17-anyos.

Ayon kay MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, base sa napag-usapan ng mga alkalde sa bawat lungsod, nais nila na payagan nang makalabas ang ilang mga menor de edad kahit pa nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Pero dapat ay mga kasamang mga magulang o guardian ang mga nasa edad 15 hanggang 17-anyos at dapat na masunod ang ipinapapatupad na minimum health protocols.


Sinabi pa ng alkalde na sa ngayon, ang mga authorized persons outside residence na 18 hanggang 65 gulang ang tanging pinapayagan lumabas habang nasa ilalim ng GCQ ang Metro Manila.

Ang mga nasa edad 65-anyos pataas ay maaari namang lumabas kung magtutungo sa ospital o clinic para sa kanilang health check-up o konsultasyon.

Sa ngayon, wala pang desisyon ang IATF sa naging rekomendasyon ng MMC hinggil sa pagpapaluwag ng age restriction.

Facebook Comments