Inirekomenda ng Metro Manila Council na panatilihin sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos, wala pang nakikita ang mga alkalde ng pangangailangang itaas ang quarantine status sa NCR sa Alert Level 4.
Aniya, bahagya lamang naman ang pagtaas ng heathcare utilization rate sa rehiyon na kasalukuyang nasa 51%.
Nabatid na sa metrics ng Inter-Agency Task Force, maaaring itaas sa Alert Level 4 ang rehiyon kung 71% hanggang 84% na ng mga kama ang okupado.
Una na ring sinabi ng Malacañang na hindi pa kailangang isailalim sa Alert Level 4 ang NCR.
Samantala, wala namang inirekomendang petsa ang Metro Manila mayors kung hanggang kalian nila nais na manatili sa Alert Level 3 ang rehiyon.