Bawal na magpaputok sa bawat bahay-bahay sa Metro Manila.
Ito ang kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia sa Laging Handa public press briefing.
Ayon kay Garcia, naglabas kasi ng isang memorandum ang Metro Manila Council (MMC) nitong December 28 na ipinagbabawal ang paggamit ng paputok.
Paglilinaw nito, ang tanging pinapayagan lamang ay ang pagkakaroon ng community fireworks area pero ang nakasanayang pagpapaputok sa mga tahanan bago maghiwalay ang taon ay mahigpit nang ipagbabawal.
Katwiran nito, hindi na kakayanin pa kung madadagdagan ang mga ma-o-ospital lalo na ngayong nahaharap pa rin ang bansa sa pandemya.
Una nang diniscourage ng Department of Health (DOH) ang publiko sa paggamit ng torotot.
Pero maaari namang gumamit ng debombang torotot at iba pang paraan o mga paingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.