Pabor ang Metro Manila Council (MMC) na itaas ang seating capacity ng mga religious gathering sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na siyang Chairman ng MMC, sang-ayon ang lahat ng alkalde sa National Capital Region (NCR) sa inilabas na desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na itaas sa 50 percent ang seating capacity sa religious gatherings.
Pero, sinabi ni Olivarez na dapat masiguro na masusunod pa rin at matututukan ang mga inilatag na minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.
Paliwanag pa ng alkalde, “open air” naman ang mga simbahan at makokontrol naman ang kontaminasyon ng virus.
Nabatid na bago makapasok sa mga simbahan, may mga tauhan na kukuha ng body temperature ng isang indibidwal bukod pa sa pag-spray ng alcohol o sanitizer saka susulat sa health declaration form para sa contact tracing.
Nakatakda namang i-apela ng MMC ang unang naging desisyon ng IATF na buksan na ang mga sinehan sa mga lugar na nasa GCQ dahil sa kawalan ng maayos na konsultasyon. Anila, posibleng mas lalo pang kumalat ang virus dahil enclosed na lugar ang mga sinehan.