Balak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na makipag-ugnayan sa korte suprema hinggil sa no Contact Apprehension Policy (NCAP).
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, hihilingin nila sa Supreme Court na huwag silang isama sa Temporary Restraining Order (TRO) nang sa gayon ay maipatupad nila ang NCAP sa mga kalsadang sakop ng kanilang hurisdiksyon.
Simula kasi nang ipatigil ang NCAP, dumami ang mga motoristang lumalabag sa batas-trapiko na hindi naman nila mahuli dahil sa kakulangan ng traffic enforcers.
“Balak ko nga po na makipag-usap sa Supreme Court dahil unang-una, hindi po kasi kami kasama talaga sa orihinal na petisyon laban sa NCAP,” ani Artes sa interview ng RMN DZXL 558.
“Ang problem po kasi namin, medyo maraming nagba-violate, nagbababa kung saan, nagsasakay kung saan-saan na hindi naman po namin kayang bantayan dahil napakahaba po ng kalsada na under sa jurisdiction ng MMDA kaya marami rin po ang nag-rereport sa amin ng mga violations na hindi naman po namin mahuli dahil na rin sa kakulangan ng enforcers. Dati nako-cover yan ng ating mga CCTV cameras at takot po sila. Ngayon po, medyo lumakas ang loob ng mga nagba-violate,” paliwanag ng opisyal.
Agosto nang pansamantalang suspendihin ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng ncap dahil sa pagkwestiyon ng ilang transport group sa validity nito.
Itinakda ng Korte Suprema ang oral arguments ukol sa NCAP sa December 6, 2022.