
Nakikipagtulungan na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lokal na pamahalaan para sa long term solution sa mga pagbaha sa Metro Manila.
Ito’y para makabuo na ng masterplan para sa mga drainage system dahil na rin sa mga naranasang mga pagbaha na epekto ng Bagyong Crising at pinaigting na habagat.
Ayon kay MMDA Chair Atty. Romando Artes, nababahala sila ngayon dahil sa mga nahakot na basura sa ilang lugar sa Metro Manila na isa sa nagiging dahilan ng mga baradong drainage sa mga kalsada maging sa mga pumping station sa National Capital Region (NCR).
Samantala, kasabay ng halos walang tigil na pagbagsak ng malakas na ulan, nakolekta ng MMDA ang mga basura gaya ng lumang muwebles, gulong, sanga ng kahoy, sofa, pintuan ng refrigerator, at iba pang uri ng basura na maaring makapaminsala sa ‘trash rake’ ng pumping station.









